Wednesday, October 10, 2012

PATINTERO :)


"PATINTERO"

Ang Patintero ay isa sa  pinaka-popular na Larong Pinoy. Minsan tinatawag din itong Harang Taga o Tubigan (dahil kadalasan ay binubuhusan ng tubig ang lupang nilalaruan). Ang Patintero ay nilalaro ng dalawang pangkat, na may pantay o parehas na bilang ng kasapi sa magkabilang koponan.

Kasanayang Matututunan: Susukatin ng larong ito ang bilis, liksi at talas ng atensyon ng manlalaro, at ang kakayanan nilang maglaro hindi bilang mga hiwalay na indibidwal kundi bilang isang nagkakaisang koponan.
Bilang ng Manlalaro: Limang (5) Bangon(Runners), laban sa limang (5) Taya (Taggers).

Layunin ng Laro: Kailangang makalagpas ang mga Bangon sa lahat ng linya --- mula sa una hanggang sa dulo --- at makabalik muli sa lugar na pinagsimulan (starting area), ng hindi sila natataya.  Ang mga Taya naman ay magbabantay, isang tao sa bawat linya, at pipigilang makalagpas ang mga Bangon sa pamamagitan ng paghuli at pagtaya gamit ang tapik o pag-abot ng kamay sa harap (hindi sa likod) na bahagi ng katawan.

Lugar Palaruan: Malawak ang espasyo ang kailangan sa larong ito. Kailangang markahan ang lugar ng parisukat na may habang anim (6) na metro pahaba, at apat (4) na metro pahalang na hahatiin sa tatlong magkakaparehas na sukat.

Kagamitan sa Paglalaro: Maliban sa sarili, at sa lugar palaruan, wala nang iba pang materyales na ginagamit  sa larong patintero.  Subalit sa mga opisyal na paligsahan, gumagamit ang mga manlalaro ng iba’t ibang kulay ng chalk na inilalagay sa palad ng Taya upang bumakat ang sa katawan ang paghuli sa kalaban at nagigiging batayan sa  balidong pagkakataya.

PANUTO SA PAGLALARO
1. Ang Laro ay pasisimulan sa pamamagitan ngJack-en-Poy (Bato-Bato Pik - papel, gunting, bato). Ang sinumang manalo sa Jak-en-Poy, sila ang unang pangkat na maglalaro bilang mga Bangon.

2. Ang mga Bangon ay magsisimula unang linya at susubok na makalagpas sa bawat linya.

3. Ang Taya ay magbabantay sa bawat linya sa pamamagitan ng pagtayo at pagbaybay pahalang sa linya ng nakadipa ang mga kamay. Susubukan niyang abutin at matapik  ng kanyang palad o mga daliri ang harapang bahagi ng katawan ng Bangon na nagtatangkang makalagpas. Kailangang nakalapat ang dalawang paa sa linya habang nananaya. Hindi balido ang pagtaya na hindi nakalapat ang mga paa sa linya.

4. Kapag nakalagpag na sa linya ang Bangon, hindi na siya maaring tayain ng nalagpasang bantay-taya,  maliban na lamang kung pabalik na ito galing sa dulo.

5. Bawal lumagpas ang mga Bangon sa loob ng lugar nag palaruan.  Kapag lumagpas ang Bangon sa lugar ng palaruan, ito ay ikukunsidirang nataya.

6. Kapag nataya ang isa sa mga Bangon sa anumang paraan, halimbawa ay natapik ng Taya o nakalagpas sa lugar-palaruan, magpapalit ng lugar ang dalawang pangkat.  Ang kabila naman ang magiging Bangon, at ang nataya ang magiging Taya.

7. Ngunit kapag matagumpay na nakapasok at nakabalik ang mga Bangon ng hindi natataya sa anumang paraan,  ang koponan ng Bangon ay gagawaran ng isang (1) puntos na score.  Matapos maka-puntos, bahagyang ititigil ang laro at ang lahat ng Bangon ay babalik muli sa simulang lugar, at muling lulusob upang muling maka-puntos.  (tuloy-tuloy lang ang laro hanggat hindi sila natataya)

8. Matatapos ang laro kapag ang isang pangkat ay nakatamo ng ang napag-sangayunang bilang ng puntos. Ang pangkat ay idedeklarang na itong panalo.


Napakasaya ng larong Patintero.  Maraming magagandang alaala ang mga dating kabataang naglaro nito na hanggang ngayo'y sinasariwa pa ang mga eksena kasama ng kanilang mga kababata sa kapit-bahay.  Magandang matutunan din ito ng mga kabataan ngayon.  Ituro natin ito sa mga bata, para magkaroon sila ng kakaibang laro, larong Pinoy kasama ng ibang mga bata sa kapit-bahay.

No comments:

Post a Comment